Cauayan City, Isabela- Labis ang pagsisisi ng isang empleyado ng supermarket na nakabase sa brgy. San Fermin, Cauayan City, Isabela matapos maaresto sa ginawang pagnanakaw sa mismo nitong pinagtatrabahuan.
Kinilala ang suspek na si Mohammad Ali Matuan, 18 taong gulang, merchandise reliever ng isang supermarket, grade 11 student at residente ng Brgy. San Fermin, Cauayan City, Isabela.
Una rito, pasado alas sais kagabi nang mapansin ng CCTV operator ng supermarket na si Richard Mark Peralta ang kakaiba at kahina-hinalang galaw ng suspek habang nasa loob ng nasabing tindahan.
Nabisto sa pamamagitan ng CCTV camera ang patagong pagkuha ng suspek ng ilang good items na inilagay sa loob ng kanyang shoulder bag habang ang ilan pa nitong kinuhang items ay inilagay sa grocery basket.
Agad na nagtungo sa kahera ang suspek at binayaran lamang ang mga kinuhang items na inilagay sa basket.
Dali-daling umalis ang suspek at nang makarating sa exit area ay agad itong pinigilan ng nakabantay na security guard na kinilalang si Rick Alberto Galupo.
Nang kapkapan ang suspek, narekober mula sa loob ng kanyang bag ang ninakaw na dalawang (2) pakete ng sigarilyo at tatlong (3) pabango na tinatayang nagkakahalaga ng P815.
Agad na hinuli at dinala sa himpilan ng pulisya ang suspek na ngayo’y mahaharap sa kasong Simple Theft o Shoplifting.