Employers ng mga manggagawang naapektuhan ng lockdown, pinagsusumite na ng DOLE ng listahan

93

Umapela ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa mga employer sa formal economy sector na magsumite na ng kani-kanilang reports sa DOLE para maasikaso na rin ang pagbibigay ng financial assistance sa mga manggagawang apektado ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa ilalim ng COVID-19 Adjustment Measures Program o CAMP.

Sa datos ng DOLE, hanggang kahapon, March 31, nakapagtala lamang ang field monitoring ng kagawaran ng mahigit sa 630,000 na manggagawang apektado ng lockdown matapos magsara pansamantala ang mga pinapasukang kumpanya o nagpatupad ng flexible work arrangements mula sa 15,213 na establisimyento.


Sa nasabing datos, 169,232 ay mula sa informal sector.

Sinabi ng DOLE na sa ngayon, nakapaglabas na ang kagawaran ng ₱160 milyong tulong pinansiyal para sa mga apektadong manggagawa.

Ayon sa DOLE, ang cash aid na ito ay bukod pa sa tulong na ₱5,000 to ₱ 8,000 subsidya na ibibigay ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa ilalim ng ‘Bayanihan to Heal as One’ Law.

Bagama’t sa ilalim ng naturang batas, ang cash at non-cash Emergency Subsidy Program (ESP) sa loob ng dalawang buwan ay base sa umiiral na regional wage rates, ang CAMP ng kagawaran ay isang one-time quarantine assistance.

Facebook Comments