Manila, Philippines – Naniniwala ang Palasyo ng Malacañang na hindi lahat ng Labor group sa bansa ang hindi natutuwa sa nilagdaang Executive Order ni Pangulong Rodrigo Duterte para solusyonan ang problema sa ENDO.
Ito ang sinabi ng Malacañang sa harap narin ng banat ng mga militanteng grupo sa ginawang aksyon ni Pangulong Duterte para tuldukan ang ENDO kung saan sinabi ng mga ito na wala hindi naman pumapabor sa mga manggagawa ang nilagdaang EO.
Ayon kay Presidential Spokesman Secretary Harry Roque, hindi naman lahat ng labor group ay binabatikos ang executive order ng Pangulo.
Binira din naman ni Roque ang mga militanteng grupo ng manggagawa kung saan sinabi nito na bago pa man makita ng mga ito ang nilalaman ng nilagdaang Executive Order kahapon ay binanatan agad nila ito.
Paliwanag ni Roque, ipinapakita lang nito na kahit ano pa man ang nilalaman ng EO au talagang babanatan ng mga militante.
Nilinaw din naman ni Roque na base sa nilagdaang Executive Order ay ipinagbabawal ng Pangulo kontraktuwalisasyon na lumalabag sa tinatawag na karapatan ng security of tenure ng mga manggagawa at ito aniya ang ipinangako ng pangulo noong nakaraang halalan at hindi ang pagpigil sa lahat ng uri ng kontraktwalisasyon na ipinipilit ng mga militangeng grupo.