Iginiit ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na may magagawa ang Department of Labor and Employment o DOLE para pigilan ang endo o kontraktwalisasyon.
Diin ni Drilon, kahit walang batas ay may magagawa ang gobyerno kung gusto talaga nitong tuldukan ang endo.
Pahayag ito ni Drilon makaraang i-veto ni pangulong Rodrigo Duterte ang Security of Tenure Bill na inaasahang tatapos sa endo.
Ikinalungkot ni Drilon ang nangyari lalo pa’t sinertipikahan ang panukala bilang urgent ng pangulo mismo.
Ayon kay Drilon, pinagsikapan itong ipasa ng senado para mabigyang proteksyon ang kapakanan ng mga manggagawa habang pinapanatili ang katatagan ng pagnenegosyo sa bansa.
Sabi ni Drilon, maaari namang ihain muli ang panukala pero mawawalan ito ng saysay kung hindi naman nagkakaisa ang mga nasa ehekutibo ukol dito.
Ipinunto ni Drilon na ang ipinasa nilang panukala ay sumasalamin sa posisyon ng DOLE pero kontra pala dito ang National Economic and Development Authority o NEDA.