Energy Regulatory Commission, sinita ng mga senador sa pagiging maluwag sa NGCP

Sinita ng mga senador ang Energy Regulatory Commission (ERC) sa hindi pagpapataw ng mabigat na parusa sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) sa kabila ng mga delayed na proyekto para sa development ng mga transmission ng kuryente.

Sa pagdinig ng Senado, pinuna ni Senator Sherwin Gatchalian na kampante ang NGCP kahit sobrang delayed na ng kanilang mga proyekto dahil hindi naman nadidisiplina ng ERC na siyang regulatory body na dapat na kumikilos dito.

Sa halip aniya na maparusahan ang NGCP ay pinapayagan pa na mangolekta ang korporasyon para sa konstruksyon ng mga naantalang proyekto.


Nakwestyon naman ni Senator Raffy Tulfo ang pagiging malamya ng ERC sa NGCP gayong marami na itong paglabag sa prangkisa.

Pero, hindi naman ito nasagot ni ERC Chairperson Monalisa Dimalanta na nito lamang Agosto 2022 pumasok sa ahensya.

Lumabas sa pagdinig na 66 na proyekto ng NGCP ang siyam na taon nang delayed kasama na rito ang anim na mahahalagang interconnection projects na nagdudugtong sa Luzon, Visayas at Mindanao.

Facebook Comments