Engkuwentro sa Pagitan ng Militar at NPA, Nag-ugat dahil sa Sumbong ng Mamamayan

Cauayan City, Isabela- Nagkasagupa ang tropa ng 17th Infantry Battalion ng 5 th ID, Philippine Army at New People’s Army (NPA) sa barangay Masi, Rizal, Cagayan matapos respondehan ng militar ang mga natanggap na sumbong mula sa mga sibilyan sa naturang lugar.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay 1st Lieutenant Lloyd Orbeta, tagapagsalita ng 17th IB, nakarating sa mga nakatalang sundalo sa lugar ang ginagawang pangingikil at patuloy na paghingi ng pagkain ng mga rebelde sa mga residente.

Ayon kay Lieutenant Orbeta, natatakot umano ang mga residente na marecruit ng mga NPA ang mga kabataan lalo na ang mga katutubong agta.


Indikasyon an rin aniya ito na nagsasawa na ang mga tao sa lugar sa ginagawang extortion ng mga makakaliwang pangkat.

Sinabi pa nito na una nang idineklara na Persona non-grata ng bayan ng Rizal, Cagayan ang lahat ng mga kasapi ng NPA.

Magugunitang nagka enkuwentro ang tropa ng pamahalaan at NPA pasado alas 12:00 ng tanghali, Hulyo 29, 2020 sa brgy. Masi, Rizal na tumagal ng halos 10 minuto.

Walang naitalang nasugatan o casualty sa mga sundalo habang nakapagtala naman sa panig ng NPA base na rin sa mga nakitang sugatan na itinakas ng mga kasama.

Narekober naman sa lugar ang mga naiwang gamit ng mga rebelde gaya ng mga subersibong dokumento, medical paraphernalia at mga Improvised Explosive Devices (IED’s).

Nananawagan naman sa mamamayan si BGen. Laurence Mina, pinuno ng 5th ID na huwag magpalinlang sa mga panghihikayat ng NPA at hinimok rin nito ang mga natitirang rebelde na sumuko na lamang sa gobyerno upang makapag bagong buhay at makasama ng payapa ang pamilya.

Samantala, patuloy pa rin ang kanilang Community Support Program (CSP) ng pamahalaan katuwang ang iba’t-ibang ahensya na isinasagawa sa mga lugar na may presensya ng mga NPA upang maprotektahan, mabantayang hindi mahikayat ng makakaliwang grupo at matulungang maipabatid ang kanilang mga hinaing sa pamahalaan.

Facebook Comments