Misamis Oriental – Sinalakay ng tinatayang 200 miyembro ng New People’s Army (NPA) ang Binuangan Municipal Station sa Binuangan, Misamis Oriental kaninang alas tres ng madaling araw.
Nagkaroon ng palitan ng putok sa pagitan ng NPA at mga pulis na pilit dinepensahan ang kanilang istasyon upang hindi makubkob ng rebeldeng grupo.
Ayon kay Police Regional Office 10 Regional Director Chief Supt. Timoteo Pacleb, lumusob sa naturang police station ang mga rebeldeng NPA at tumagal ng tatlong oras ang sagupaan, sa huli, nabigo ang NPA at napaatras ang mga ito.
Tumakas ang mga rebeldeng NPA at naiwan ang dalawang trak na kanilang ginamit sa operasyon.
Sugatan naman ang hepe ng istasyon na si Sr. Inspector Dante Hallazgo, kasama ang tatlong ibang pulis na sina SPO1 Ramonito Zambias, PO3 Alberto Bernadas, at PO1 Josua Satur.
Patuloy pang inaalam ang bilang ng mga rebeldeng nasugatan at nasawi sa engkwentro.
Naglungsad agad ng manhunt operation ang PNP at AFP sa mga tumakas na rebeldeng NPA, habang pinapurihan naman ni Pacleb ang mga sugatang pulis.