Cauayan City, Isabela- Narekober ng mga awtoridad ang ilang matataas na uri ng armas, mga subersibong dokumento at personal na kagamitan ng mga miyembro ng rebeldeng grupo matapos ang nangyaring bakbakan sa pagitan ng tropa ng pamahalaan sa Brgy. Mabaca, Balbalan, Kalinga kahapon, Disyembre 12, 2021.
Ilan sa mga narekober ang dalawang (2) M16 rifle, isang (1) M653, hand grenade, tatlong (3) explosives devices habang patuloy ang ginagawang pagbabantay ng tropa ng kasundaluhan sa lugar.
Tumagal ng 5-minuto ang nangyaring engkwentro sa pagitan ng mga hindi pa matukoy na bilang ng mga NPA terrorist at miyembro ng 50 Infantry Battalion 50th Infantry Battalion na umaksyon sa impormasyong ibinigay ng mga residente ng nasabing barangay.
Bagamat nangibabaw ang tropa ng pamahalaan laban sa nangyaring bakbakan, bahagyang nasugatan naman ang isang sundalo.
Kaugnay nito, binalaan naman ni MGen. Laurence Mina, Commander ng 5th Infantry Division, Philippine Army ang mga natitirang CNT na sisiguraduhin ng gobyerno na pagbabayaran nila ang kanilang mga terrorist act.
Ayon sa heneral, hindi nila hahayaang makapaghasik ng takot sa mga mamamayan ang rebeldeng grupo.
Umapela rin ang opisyal sa mga natitirang NPA na bigyan ng pagkakataon ang kapayapaan at hayaan ang kanilang mga pamilya at kaanak na magsaya ngayong kapaskuhan kung saan sila ay pinagkaitan dahil sa walang kwentang armadong adbokasiya ng grupo.
Matatandaang idineklara ng LGU Balbalan ang Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front at ang kanilang mga front organization bilang Persona Non-Grata.