Enhanced Community Quarantine, hiniling na palawigin pa ng dalawang linggo

Hiniling ni House Committee on Ways and Means Chairman Joey Salceda na palawigin pa ng dalawang linggo ang Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa buong Luzon.

Giit ni Salceda, kinakailangan ang maingat na approach laban sa pandemic na dapat ay ‘evidence-based, logical at lifesaving’.

Paliwanag ng Kongresista, kung tatanggalin agad ang ECQ ay hindi ito magiging maganda para sa ekonomiya at posibleng magdala pa ng second wave ng mga bagong kaso ng COVID-19.


Sinabi pa nito na maging ang mga nasa medical community ay hindi inirerekomenda ang pagpapaikli ng lockdown at sa halip ay itinutulak ng mga ito ang anim na linggong lockdown upang maiwasan ang premature na epekto ng pagaalis ng ECQ at banta ng mga bagong impeksyon.

Dagdag pa ni Salceda, kung pagbabatayan ang kasaysayan nang maranasan ng buong mundo ang pinakamalalang pandemic na “Spanish Flu”, mapapansin na ang mga lugar na nagpatupad ng maagang lockdown ay may mababang death rates habang ang mga lugar na agad inalis ang lockdown ay kapansin-pansin ang mataas na bilang ng mga namatay sa sakit at nag-back to zero ulit sila sa quarantine.

Iginiit pa ni Salceda ang kahalagahan ng pagpapatupad ng mass testing na makakatulong para matukoy ang lawak ng impact at mapaigting ang contact tracing upang ma-contain ang virus.

Kung pagbabasehan ang ating health care capacity, para magawa ang 200,000 mass testing ay kakailanganin pa ng dalawang linggo ECQ extension para magawa ito.

Facebook Comments