Isinulong ni AGRI Party-List Rep. Wilbert Lee ang House Bill 1299, o Right to Adequate Food Act para sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Giit ni Lee, kailangan ang tuloy-tuloy na implementasyon ng food and security roadmap para sa BARMM bilang tugon sa kahirapan sa rehiyon.
Tinukoy ni Lee na base sa huling tala ng Philippine Statistics Authority (PSA) ay nasa 37.4 percent ng populasyon ng BARMM, o katumbas ng 1.71 milyon na pamilya, ang naghihirap.
Binanggit ni Lee na may nagawa ng food security and nutrition roadmap para sa rehiyon kung saan nakapaloob ang pagpapahusay ng mga polisya at institutions for food security.
Sabi ni Lee, kailangang magkaroon ng enabling law para maayos itong maipatupad at isa na riyan ang isinusulong niyang Right to Adequate Food Act.
Kaugnay sa katatapos na selebrasyon ng Eid’l Adha, o feast of Sacrifice, ay nanawagan din si Lee sa pamahalaan na madaliin ang pagpasa sa mga panukalang gagarantiya na may sapat na pagkain para sa mga kapatid nating Muslim.