Enrolled bill ng Maharlika Investment Fund, target na isumite sa Palasyo ngayong linggo

Target na maisumite ng Senado sa Palasyo ng Malakanyang ngayong linggo ang Maharlika Investment Fund (MIF) Bill.

Ayon kay Senate Majority Leader Joel Villanueva, posibleng ngayong linggong ito ay ma-i-transmit na ng Mataas na Kapulungan sa Office of the President ang enrolled bill ng panukalang sovereign wealth fund.

Aniya pa, wala siyang nakikitang dahilan para patagalin o ma-delay pa ang MIF bill hanggang sa susunod na linggo.


Sinabi pa ni Villanueva na ito ay urgent at priority measure ni Pangulong Bongbong Marcos kaya naman sa lalong madaling panahon ay ipapadala agad ang MIF bill para malagdaan na ng presidente.

Kahit wala ngayon ang Senate President ay magagawan naman aniya ng paraan para mapirmahan ang panukala sa pamamagitan ng e-signature para agad din ay ma-i-transmit na ito sa Malacañang.

Sa ngayon ay nasa Senate at House Secretariat ang panukala kung saan ipinapasok ang mga ‘perfecting amendments’ para sa ilang typographical errors at nadobleng probisyon para sa pagpaparusa ng mga mang-aabuso sa Maharlika fund.

Facebook Comments