Inanunsyo ng Department of Education (DepEd) na pinalawig pa nilang hanggang July 15 ngayong buwan ang enrollment para sa School Year 2020-2021.
Ayon kay DepEd Secretary Leonor Briones, ginawa nila ito upang bigyan ng panahon ang mga magulang para makapag-isip kung ipapa-enroll ba nila ang kanilang mga anak.
Layunin din aniya nito na bigyan ng panahon ang mga magulang na nakatira sa mga malalayong lugar upang maihulog ang mga enrollment at survey form sa drop boxes.
Aniya, ang nasabing pagpalawig ng deadline sa enrollment ay para lamang sa mga paaralan na nasa ilalim ng DepEd o mga public school ng bansa.
Paliwanag niya, ang mga private school at mga State Universities and Colleges (SUCs) ay mayroong autonomy sa pagtalaga ng petsa ng enrollment para sa kanilang mag-aaral.
Iginiit naman ni Briones na tuloy pa rin ang pagbubukas ng pasukan ngayong August 24, 2020 dahil nakasaad sa batas na bago matapos ang buwan ng Agosto ay dapat nakapagsimula na ang klase.
Pahayag pa niya, ang August 24 ay inirekomenda ng Inter-Agency TAsk Force (IATF) at aprubado ng Pangulo.
Samantala, umabot naman ng mahigit 15 milyong mga estudyante ang nakapag-enroll na sa public at private schools ng bansa batay sa tala ng DepEd kahapon.