Sinuspindi muna ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang pag-apruba sa aplikasyon ng environment compliance certificate (ECC) ng mga proyekto na nasa loob ng mga protected areas.
Sa pagdinig ng Senado patungkol sa pagtatayo ng resort at iba pang iligal na istruktura sa Chocolate Hills, sinabi ni DENR Secretary Maria Antonia Yulo-Loyzaga na ang pagtatayo at operasyon ng Captain’s Peak Resort sa may paanan ng burol ay natuklasang walang kaukulang ECC na malinaw na paglabag sa Expanded National Integrated Protected Areas System Act (E-NIPAS Act) at sa resolusyon ng Protected Area Management Board (PAMB).
Dahil dito, inatasan ng kalihim ang mga regional offices ng ahensya na suspendihin “until further notice” ang approval ng ECC applications ng mga proyekto na nasa loob ng protected area.
Maliban dito, pinare-review rin ni Yulo-Loyzaga sa regional offices ang lahat ng ECCs na naunang inisyu sa mga proyekto na nasa loob ng protected area at pinagsasagawa rin ng imbentaryo sa lahat ng existing structures sa loob ng PA at kung nakasusunod ba ang mga ito sa environmental regulations at standards.
Naunang binigyang-direktiba ng DENR secretary ang mga regional offices na magsumite ng complete inventory ng lahat ng Protected Area Community-Based Resource Management Agreements (PACBRMA) at tukuyin kung alin sa mga ito ang hindi nakakasunod at irekomenda ang agad na kanselasyon matapos na hindi makasunod dito ang Socorro Bayanihan Services Inc. (SBSI).