Buo ang suporta ni Senator Francis Tolentino sa paglalabas ni Pangulong Rodrigo Duterte ng Executive Order No. 165 na layuning i-regulate at isaayos ang industriya ng mga naglalakihang billboard sa bansa.
Diin ni Tolentino, ang kautusan ng pangulo ay patunay para sa kapakanan at kaligtasan ng nakararami na mainam na maipapatupad ngayon dahil sa political will ni Pangulong Duterte.
Sa ilalim ng EO 165, bibigyan sa loob ng dalawang taon ang mga advertiser na isaayos ang mga naglalakihang billboard sa kalsada base sukat at pamantayan na itinakda ng punong ehekutibo sa nabanggit na kautusan.
Ito ay upang hindi lamang mabawasan ang mga pagkambala ng mga motorista sa lansangan kundi para rin hindi sapitin ng maraming lungsod at bayan ang tinatawag na “urban decay” at pagkasira ng kapaligiran.
Matagal ng adbokasiya ni Tolentino ang pagbaklas ng mga hindi ligtas at illegal na pagtatayo ng mga dambuhalang billboard sa kalsada, lalo na noong pinamumunuan niya pa ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).