6-taong gulang na Bata, Aksidenteng Nabangga ng Convoy ng isang Kongresista sa Cagayan

Cauayan City, Isabela- Patay ang isang 6-taong gulang na batang lalaki matapos mabangga ng convoy ni 2nd District Congressional Candidate Baby Aline Vargas sa bayan ng Solana, Cagayan bandang alas-11:30 ng umaga nitong huwebes, Marso 24,2022.

Sa pahayag ng Cagayan Provincial Information Office, batay sa naging imbestigasyon ng Solana Police Station, binabagtas ng convoy ng tumatakbong kongresista ang kahabaan ng Brgy. Sampaguita nang biglang may tumawid na bata at aksidenteng mahagip ito ng sasakyang minamaneho ni Elmer Kulasing, 54-taong gulang, may asawa na tauhan ni Vargas.

Ayon umano sa ilang mga saksi, tumilapon ang biktimang si Augusto P. Cauilan, ilang metro ang layo mula sa mismong pinangyarihan ng insidente.

Nagawa pang maisugod sa pagamutan ang bata ngunit kalauna’y namatay din dahil sa matinding pagkabangga nito.

Kusang-loob naman na isinuko ng kongresista ang kanyang tauhan sa pulisya maging ang sasakyan na nakasagasa sa bata.

Lumalabas pa sa imbestigasyon ng PNP, kinausap ng kampo ni Vargas ang pamilya ng bata para ayusin ang kaso laban sa driver.

Samantala, inako umano lahat ni Vargas ang gastusin sa ospital at burol ng bata.

Patuloy naman ang isasagawang imbestigasyon sa naturang kaso.

Facebook Comments