Nag-isyu si Pangulong Bongbong Marcos ng isang Executive Order (EO) na nag-aatas sa government offices kasama na ang mga nasa lokal na pamahalaan na magpatupad ng financial management information system sa mga ginagawa nitong transaksyon.
Batay sa nakasaad sa EO 29 o “Strengthening the Integration of Public Financial Management Information Systems, Streamlining Processes” na nag-aamyenda sa EO 55 ay sakop din ang mga government-owned and controlled corporation (GOCC) para sa pagpapatupad ng integrated financial management information system.
Ang pag-iisyu ng nasabing EO ay parte ng pagsisikap ng administrasyon na mapaganda pa ang takbo ng burukrasya sa pamamagitan ng isinusulong na digitalization na naglalayong mas mapabilis at maging episyente ang paghahatid ng serbisyo sa publiko.
Kasama rin sa utos ng pangulo ay ang paglikha ng Public Financial Management Committee na bubuuin ng mga kinatawan mula sa Department of Budget and Management (DBM), Finance department, Commission on Audit (COA), at Bureau of Treasury (BTr).
Magiging trabaho naman ng PFM Committee ay ang bumuo ng five-year plan para sa development at implementasyon ng integrated financial management information system na naka-link sa national government agencies.