EO No. 51 na inilabas ni PBBM, suportado ng DILG

Suportado ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos Jr., ang inilabas na Executive Order ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., para sa paglikha ng special committee na tututok sa mga isyu ng Lesbian Gay Bisexual Transgender (LGBTQIA+).

Ayon kay Secretary Abalos, ang paglagda sa EO No. 51, s. 2023 ng pangulo ay isang matapang at malugod na hakbang dahil kinikilala nito ang pangangailangang harapin at ilagay ang mga karapatan ng mga Pilipino, anuman ang kasarian at oryentasyong sekswal.

Paliwanag ng kalihim, bilang Vice Chairman ng Committee on Diversity and Inclusion na nilikha sa ilalim ng EO 51, nangangako ang kalihim na itutulak ang may kaugnayan at kritikal na pagkakaiba-iba, mga programa at patakaran.


Una rito, nag-isyu ng EO si PBBM na layuning palakasin ang umiiral na mga mekanismo para tugunan ang patuloy na diskriminasyong nararanasan ng mga miyembro ng LGBTQIA+ community.

Nabatid na ang itatalagang Chairperson ng Special Committee on LGBTQIA+ Affairs ay makabibilang sa inter-agency committee on diversity and inclusion, na ngayon ay tinatawag nang Diversity and Inclusion Committee.

Pamumunuan naman ng Department of Social Welfare Secretary ang Special Committee habang Co-Chairperson naman ang mga kalihim ng Migrant Workers at Labor.

Kukuha rin ang pangulo ng tatlong miyembro mula sa LGBTQIA+ Community na gagawing assistant secretary.

Facebook Comments