Anumang araw ngayong linggo, inaasahang mapipirmahan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang executive order para sa pagpapataw ng price ceiling sa karneng baboy at manok.
Sa interview ng RMN Manila, inamin ni Cabinet Secretary Karlo Nograles na nasa apat na milyon pa rin ang nakakaranas ng gutom bunsod ng COVID-19 pandemic kung saan hindi nakakatulong ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.
Aniya, base sa mga ulat na iprinisenta ng Department of Agriculture (DA) at Department of Trade and Industry (DTI), lumalabas na “artificial” lamang ang pagtaas ng presyo ng karneng baboy.
Ibig sabihin, namamanipula ang presyo nito sa merkado na aniya’y nangyayari lang naman sa National Capital Region (NCR).
“’Pag titingnan naman po natin ‘yong farmgate prices ng baboy ay hindi naman po ganon kataas pero pagdating sa merkado ay napakataas po ng presyo. Ibig sabihin, namamanipula po ang presyo ng karneng baboy sa merkado. Kaya nga po, inaasahan na po namin na mapirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte yung isang executive order para mabigyan ng price ceiling ang presyo ng baboy sa merkado,” paliwanag ni Nograles.
Oras na malagdaan ang executive order, tiniyak ni Nograles na hahabulin nila ang mga nagmamanipula sa presyo ng karneng baboy.
“Hindi po ito ‘yong panahon na isahan natin ang ating mga kapwa Pilipino, ang mga kababayan natin. Hindi po ito ‘yong panahon na magnegosyo nang ganyan sa panahon ng pandemya,” saad ng opisyal.
Samantala, ngayong linggo o sa susunod na linggo, inaasahang bababa na rin ang presyo ng mga gulay kasabay ng pagsisimula ng harvest season.