Idineklarang ECQ sa buong Luzon naging epektibo laban sa pagkalat ng COVID -19 ayon kay COVID -19 Chief Implementer Carlito Galvez Jr.

Epektibo ang umiiral na Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa pagkalat ng Corona Virus Disease 2019 (COVID-19) sa buong Luzon.

Ito ang sinabi ni COVID-19 Chief Implementer Carlito Galvez Jr.  batay na rin sa ginawang pag-aaral ng University of the Philippines Research Institute.

Sinabi ni Galvez na ayon kay UP Professor Mahar Lagmay maaring naabot na raw ng National Capital Region (NCR) ang tinatawag na “peak” kung pagbabatayan ang rate o bilang ng new infections.


Pero babala naman daw ni Professor Lagman na malaki ang posibilidad na umakyat muli ang “Rate of New Infections” kung hindi magiging maingat ang desisyon ng pamahalaan.

Kaya naman pinulong ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga dating Department of Health (DOH) official at medical experts dahil malaki ang tiwala ng gobyerno sa mga medical at science experts.

Sa ngayon sinabi ni Galvez mayroon nang 52,837 individuals ang natapos na COVID-19 testing.

Pero ayon kay Galvez mas dadami pa ang bilang na ito kapag natapos na ang accreditation ng iba pang mga testing laboratories nationwide.

Sa kasalukuyan aniya ay patuloy na nag-aangkat ang gobyerno ng kabuuang  900,000 PCR at dalawang milyong rapid testing kits na inaasahan nilang darating ngayon linggo para sa unang batch ng delivery.

Facebook Comments