Para kay Senate Minority Leader Franklin Drilon, dapat pag-aralan ng gobyerno ang epekto ng e-sabong sa moral fiber o pag-uugali ng mga Pilipino.
Sinabi ito ni Drilon sa harap ng pagpapatuloy sa operasyon ng e-sabong sa kabila ng pagkawala ng 34 na mga sabungero na konektado rito.
Diin ni Drilon, isang sampal sa ating rule of law ang pagkawala ng nabanggit na mga indibidwal kaya dapat itong imbestigahang mabuti at panagutin ang mga salarin.
Katwiran ni Drilon, hindi naman basta naglaho sa hangin ang mga sabungero at tila mayroong nanadya na sila ay mawala.
Nag-aalala din si Drilon na umaabot ng bilyun-bilyong piso ang kabuuang halaga ng taya sa e-sabong ng mga Pilipino.
Magugunitang sa pagdinig ng Senado ay sinabi ng pinakamalaking operator ng e-sabong na si Charlie Atong Ang na nasa isa hanggang dalawang bilyong piso ang taya sa e-sabong bawat araw.
Sa tingin ni Drilon, maaring higit pa rito ang malaking halaga ng salaping pumapasok sa e-sabong.