Kinakalampag ni Senador Win Gatchalian ang Department of Budget and Management (DBM), Department of Finance (DOF) at Department of Labor and Employment (DOLE).
Ito ay para galugarin ang lahat ng maaaring mapagkukunan ng pondo para makapagbigay ng pagkakakitaan o ayuda sa mga manggagawang apektado ng pagsailalim muli ng National Capital Region (NCR) sa Enhanced Community Quarantine (ECQ).
Giit ni Gatchalian, dapat ay nakalatag na ang tulong para sa mga mawawalan ng trabaho bago pa man inanunsyo na ibabalik uli ang paghihigpit ng protocol kasunod ng dumadaming kaso sa bansa ng mas nakakahawang COVID-19 Delta variant.
Mungkahi ni Gatchalian, kung kinakailangan ay maaaring idulog ng gobyerno sa Kongreso ang pag-realign ng mga hindi pa nagagamit na quick response funds.
Ito ay upang makalikom ng sapat na pondo para gawing cash assistance sa mga manggagawang nawalan o mawawalan ng trabaho o kaya ay pondohan ang mga short-term job programs katulad ng contact tracing o kahit na anong trabaho na may konsepto ng work-from-home.
Tinukoy ng opisyal ang pagtaya ng DOLE na aabot sa 167,000 na mga manggagawa sa Metro Manila ang maaaring mawalan ng trabaho o mabawasan ng kita sa pagpapairal ng ECQ.
Una ng sinabi ng Employers Confederation of the Philippines na aabot sa kalahating milyon ang maaaring mawalan ng trabaho.