Epekto ng kakulangan ng healthcare worker sa bansa, ramdam na rin sa mga private hospital

Ramdam din ng mga pribadong ospital ang epekto ng kakulangan ng healthcare worker sa bansa lalo na’t patuloy ang banta ng COVID-19 pandemic.

Ayon kay Private Hospitals Association of the Philippines Inc. (PHAPI) President Dr. Jose Rene de Grano, bagama’t handa ang mga pribadong ospital sa mga pasyenteng tinatamaan ng COVID-19, aminado naman sila ang problema nila ang kakulangan ng mga healthcare worker.

Aniya, karamihan sa mga healthcare worker na umaalis sa pribadong ospital ay lumilipat sa mga public hospital o nangingibang bansa dahil sa mataas na sweldo at magandang benepisyo.


Una nang inihayag ng Department of Health (DOH) na aabot sa 106,000 na mga nurse ang kinakailangan ngayon sa mga pampubliko at pribadong pagamutan sa bansa.

Bukod sa mga nurse, aminado rin ang DOH na may shortage tayo mga doctor na aabot sa 67,000; 6,000 pharmacists; 5,500 radiologic technologists; 4,400 medical technologists; 1,600 nutritionists; 700 midwives; 223 physical therapists; at 87 dentists.

Bunsod nito, nanawagan ang DOH sa Kongreso na madaliin na ang pag-amyenda sa Republic Act No. 7305 o ang Magna Carta of Public Health Workers para maisama rin ang mga health workers sa mga private hospitals nationwide sa nasabing batas at maayos ang kanilang sweldo at mga benepisyo.

Facebook Comments