Tatalakayin bukas ng Senate Committee on Basic Education ang epekto ng napakatinding init ng panahon sa mga klase sa paaralan at ang paglipat ngayon sa Alternative Delivery Modes (ADMs).
Tinukoy ni Basic Education Committee Chairman Sherwin Gatchalian ang suspensyon ng klase sa ilang mga lugar dahil sa napakainit na panahon dulot pa rin ng El Niño.
Nababahala si Gatchalian na bagama’t may option ang mga eskwelahan na magpatupad ng remote o distance learning, mayroon namang kaakibat na mga hamon ang pag-shift sa ADMs.
Ipinunto ng senador ang kawalan ng internet access sa ilang mga kabahayan at nahihirapan din ang mga magulang na suportahan ang kanilang mga anak sa remote learning setup.
Batid ni Gatchalian na may ilang mga magulang ang hindi sang-ayon sa online o blended learning dahil hindi natututo ang kanilang mga anak at mismong mga magulang ang sumasagot sa mga textbooks o workbooks ng mga anak.
Dahil dito, tiniyak ni Gatchalian na babalansehin nila ang isyung ito lalo’t maraming mga klase ang nasuspinde bunsod ng sobrang init ng panahon.