Epekto ng ‘quarantine burnout’, ibinabala ng JTF COVID Shield sa publiko sa harap COVID-19 pandemic

Umaapela pa rin sa publiko ang Joint Task Force (JTF) COVID Shield na sundin ang mga inilatag na protocols sa kabila ng nararanasang quarantine burnout.

Ayon kay JTF COVID 19 Shield Commander Police Lt. Gen. Guillermo Eleazar, malaki ang posibilidad na mapabayaan ng publiko ang kanilang sarili ngayong nagluwag na ng seguridad kaya’t malaki ang tyansa na kumalat pa lalo ang virus.

Payo ni Eleazar sa publiko, sa halip na mainip dahil sa ipinatutupad na community quarantine, mainam na alagaan pa rin ang sarili at huwag kalimutan ang mga safety protocols tulad ng palagiang pagsusuot ng face mask, pagpapatupad ng physical distancing at pagpapanatili ng kalinisan ng katawan gayundin ng kapaligiran.


Samantala, sa kabila naman ng bahagyang pagluwag sa mga ipinatutupad na protocols, tiniyak ni Eleazar na naka-alerto pa din sila habang ginagampanan ang kanilang tungkulin.

Una nang ipinag-utos ni Philippine National Police (PNP) Chief Police Gen. Archie Francisco Gamboa na magpatupad ng rotation of duty para maiwasan ang fatigue at quarantine burnout sa panig ng mga pulis.

Facebook Comments