Isinusulong ngayon ng ilang mambabatas ang pagkakaroon ng permanenteng lupon na titiyak na merong sapat na kakayahan ang Pilipinas para labanan ang inaasahang pangmatagalang epekto ng COVID-19 at maging ng iba pang epidemya sa hinaharap.
Inirekomenda ni Ako Bicol Partylist Representaive Alfredo Garbin ang paglikha ng Epidemic Management Commission sa pamamagitan ng Executive Order na pwedeng isabatas rin ng Kongreso.
Katwiran ng kongresista, ang Inter-Agency Task Force (IATF) ay isang ad hoc body lamang na abala sa pang-araw-araw na sitwasyon.
Samantala, ang inirerekomendang pagtatatag ng EMC ay mayroong sariling epidemiology at quarantine unit, governing body gaya ng IATF, at coordination authority sa lahat ng molecular at microbiology laboratories sa buong bansa.
Hindi naman kakailanganing ilipat ang Epidemiology Bureau at Research Institute for Tropical Medicine (RITM) sa EMC dahil kailangan ito DOH.
Para naman sa pangangasiwa at budget, pwede aniya itong gawing attached agency ng Office of the President at saka lamang ililipat kapag operational na ang Department of Disaster Resilience.
Giit nito, ngayon pa lamang ay dapat mayroon nang exit strategy pagkatapos ng enhanced community quarantine upang kahit anong virus o epidemya ang tumama sa bansa ay nakahanda tayo.