Nagbabala ang Energy Regulatory Commission (ERC) sa Meralco na huwag gumawa ng mga anti-competitive practices o pandaraya ng ilang negosyante kaugnay sa isinasagawang Competitive Selection Process (CSP) para sa 1800-megawatt (MW) power supply agreement.
Layon ng power supply agreement na matugunan ng Meralco ang tumataas na demand ng mga customer nito para sa susunod na taon.
Sa media forum sa Maynila, iginiit ni ERC Chairperson Monalisa Dimalanta na sinabihan na nila ang Meralco na tiyakin na hindi magiging limitado ang bilang ng mga potential bidders na sa kasalukuyan ay nasa anim na para sa competitive selection process.
Iginiit ni Dimanlata na bilang regulator ng power industry, mandato ng ERC na pasiglahin ang kompetisyun, hikayatin ang market development at tiyakin na mapaparusahan ang nag-aabuso sa market power sa industrya.
Una nang pinuna ni Cong. Dan Fernandez ang terms of reference para sa selection process na mistulang kumikiling lamang sa iilang power firms dahil ang mga power plants na maaaring sumali sa proseso ay limitado lamang sa mga kumpanyang nag-operate simula January 2020.
Matatandaan naman na una ng ipinaliwanag ni Meralco VP at Head of Corporate Communications Joe Zaldarriaga na fully compliant ang Meralco sa lahat ng government regulations at ipinagmalaki na nalagpasan pa nito ang level of service na hinihingi ng ERC.