Manila, Philippines – Binigyan pa ng pagkakataon ng Mababang Kapulungan ang Energy Regulatory Commission na ayusin ang mga gusot at isyu ng katiwalian sa ahensya para maibalik ang orihinal na 474 Million na alokasyon sa 2018.
Ito ay matapos na aprubahan nitong Linggo sa plenaryo na bigyan lang ng isang libong budget ang ERC dahil sa balot ng iregularidad ang ahensya na hanggang ngayon ay hindi pa rin nareresolba.
Ayon kay House Appropriations Chairman Karlo Nograles, may general sentiments ang mga myembro ng Kamara na kailangang ayusin muna ng ERC ang mga isyu nito upang mairekunsidera ng house leadership ang inaprubahang isang libong budget nito.
Binigyan ng deadline ng Kamara ang ERC hanggang sa pagtatapos ng budget process na resolbahin ang mga problema.
Ipinanawagan naman ni PBA PL Rep. Jericho Nograles na magkusa na magbitiw si ERC Chairman Jose Vicente Salazar upang maisalba ang ahensya.
Si Salazar ang itinuturong dahilan ng pagpapakamatay ng kanilang director na si ERC Director Jose Francisco Villa matapos mapressure dahil pinipilit na aprubahan ang iregular na kontrata para sa info-ad ng ahensya.