ERC, muling ipagbabawal ang pagpuputol ng suplay ng kuryente sa mga hindi makakabayad ng bill

Inabisuhan ngayon ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang mga power distributors na huwag puputulin ang suplay ng kuryente ng kanilang mga customers na hindi makakabayad ng bill.

Sa pahayag ni ERC Chairperson Agnes Devanadera, inabisuhan nito ang mga power distributor na bigyan ng panahon ng hanggang katapusan ng taon o December 31, 2020 ang mga customer para makabayad ng bill lalo na’t nakasaad ito sa ilalim ng ipinapatupad na Republic Act 11494 o Bayanihan to Recover as One Act (Bayanihan II) dahil sa COVID-19 pandemic.

Nabatid na una nang binigyan ng abiso ng Meralco ang mga customers nito na bayaran ang kanilang mga electric bill sa katapusan ng buwan o ng October 31 para maiwasan na maputulan ng kuryente.


Pero dahil sa naging abiso, kanilang susundin ang kautusan ng ERC kung saan kanila naman hihintayin ang guidelines na ilalabas ng komisyon.

Matatandaan na dahil sa COVID-19 pandemic, marami sa mga Filipino ang nawalan ng trabaho kaya’t ipinag-utos ng pamahalaan na ipagpaliban muna ang paniningil ng mga bills upang magkaroon ng pagkakataon na makabangon o makaipon ang mga ito.

Hinihimok naman ni Devanadera ang mga financially stable customers at mga ahensiya ng pamahalaan na bayaran na nila ang kanilang mga bills kung mayroon pagkakataon upang hindi sila mamahalan o mabaon sa kanilang mga babayaran.

Facebook Comments