Pinaghahanda na ng Energy Regulatory Commission o ERC ang publiko sa nakaambang taas-singil sa kuryente ng Meralco simula sa 2023.
Kasunod ito ng pansamantalang suspensyon ng kasunduan sa pagitan ng Meralco at South Premiere Power Corp., na subsidiary ng San Miguel Corporation.
Maliban diyan, kailangan na ring ipatupad ng ERC sa susunod na taon ang pinal na desisyon ng Korte Suprema noon pang 2013 hinggil sa recovery charge sa mga power generations company.
Pero ayon kay ERC Chairperson Monalisa Dimalanta, posibleng mabawasan ang taas-singil kung papayag ang SMC sa apela ng Meralco na pasanin ang price difference sa pagitan ng orihinal na presyo sa kontrata at ng kasalukuyang presyo ng kuryente mula sa spot market at emergency power supply agreements.
Sinisikap din aniya nila na maantala pa hanggang sa ikalawang kwarter ng 2023 ang implementasyon ng desisyon ng Supreme Court noong 2013.
Sa panahong iyon, tumaas ang generation charge dahil sa Malampaya shutdown sa gitna ng mga naranasang pagnipis ng reserbang kuryente.
Samantala, sa inisyal na pagtaya, posibleng umabot sa ₱3.44 per kilowatt hour ang magiging dagdag-singil sa kuryente pero wala pang inilalabas na official computation sa aktwal na epekto nito sa bayarin ng mga konsyumer.