
Naninindigan si Executive Secretary Ralph Recto na sinunod ng pamahalaan ang desisyon ng Korte Suprema kaugnay sa isyu ng PhilHealth.
Ito ang tugon ni Recto matapos siyang sampahan ng kaso ng ilang grupo ng mga doktor at abogado kahapon.
Ayon sa Executive Secretary, iginagalang ng gobyerno ang karapatan ng sinuman na dumulog sa korte.
Binigyang-diin niya na hindi lamang naibalik kundi nadagdagan pa ang pondo ng PhilHealth upang mapabuti ang serbisyong pangkalusugan para sa mga Pilipino.
Iginiit din ni Recto ang kanyang kawalang-sala, batay sa naging pananaw ng mga mahistrado ng Korte Suprema na wala siyang pananagutang kriminal bilang dating Kalihim ng Department of Finance, dahil kumilos siya nang may mabuting loob at alinsunod sa mandato ng Kongreso.
Tiniyak ni Recto na sinunod nila ang umiiral na batas at kumpiyansa siyang patas na susuriin ng mga institusyon ang anumang alegasyon.
Dagdag pa niya, mananatili siyang nakatuon sa pagpapatupad ng batas, paggalang sa due process, at pagpapabuti ng serbisyo ng pamahalaan para sa mamamayan.










