Hindi nakasipot ngayong araw sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee si Executive Secretary Victor Rodriguez ukol sa kontrobersyal na Sugar Order No.4 (SO4).
Ayon kay Blue Ribbon Committee Chairman Senator Francis Tolentino, napadalhan naman ng imbitasyon si Rodriguez para sana muli itong humarap sa pagbusisi ng Senado sa umano’y iligal na (SO4).
Pero kagabi aniya ay nakatanggap siya ng abiso na hindi makakaharap sa pagdinig si Rodriguez dahil nataon na may naka-schedule rin ngayong umaga na cabinet meeting sa Palasyo.
Tiniyak naman ni Tolentino na muling padadalhan ng imbitasyon si Rodriguez para sa susunod na pagdinig ng Senado sa sugar fiasco.
Iminungkahi naman ni Senator Risa Hontiveros, na pahabulin si Rodriguez sa kanilang pagdinig ngayong araw kung matapos ng maaga ang Cabinet meeting sa Malacañang.
Sinang-ayunan naman ni Tolentino ang suhestyon ni Hontiveros at inutos na iparating ang imbitasyon kay Rodriguez.
Matatandaang noong nakaraang Linggo ay sinita ni Rodriguez si dating Agriculture Usec. Leocadio Sebastian dahil sa hindi awtorisadong paglagda nito para kay Pangulong Marcos Jr. kaugnay sa sugar importation order.