Giniit ngayon ng Malacañang na hindi pa nababakunahan ng anti-COVID-19 vaccine si Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ang ginawang paglilinaw sa interview ng RMN Manila ni Presidential Spokesman Harry Roque kasunod ng espekulasyon na nabakunahan na ang Pangulo dahil na rin sa pahayag ng Malacañang na hindi na isasapubliko ang pagpapabakuna ng punong ehekutibo dahil sa pribadong parte ng katawan ito ituturok.
Ayon kay Roque, mahigpit na sinusunod ng Pangulong Duterte ang payo ng kanyang doktor na huwag munang magpabakuna.
Una nang sinabi ni Roque na sa parteng puwet magpapabakuna ang Pangulo kaya hindi ito pwedeng isapubliko.
Samantala, sa interview rin ng RMN Manila, sinabi ni Food and Drug Administration (FDA) Director General Eric Domingo na maaaring sa puwet gawin ang pagbabakuna dahil may mga COVID-19 vaccine gaya ng Pfizer at AstraZeneca na sa muscle talaga dapat iturok.