Hinamon ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Interior Secretary Eduardo Año si Police Lt. Col. Jovie Espenido na patunayang inosente siya at walang kaugnayan sa aktibidad ng iligal na droga.
Una na ring hinimok ng Kalihim ang nasa mahigit 300 pulis na nasa narco list na magprisinta ng kanilang mga ebidensiya mula sa Philippine National Police (PNP), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), National Intelligence Coordinating Agency (NICA), at Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines (ISAFP) na maglilinis ng kanilang mga pangalan.
Hangga’t hindi sumasang-ayon ang mga naturang ahensiya na sila ay hindi nga sangkot sa iligal na droga ay magpapatuloy ang imbestigasyon laban sa kanila.
Pinayuhan rin niya ang mga ito na magtungo sa tanggapan ng mga naturang ahensiya na nag-report sa kanila at magpakita ng katibayang sila ay inosente.
Nabatid na ang naturang 356 officers ay sinibak na sa pwesto habang nakabinbin pa ang ‘one-month adjudication process’ laban sa kanila.
Sakop umano nito ang one-week adjudication sa regional at directorial level ng PNP units bago iakyat ang mga kaso sa national level na siya namang hahawak sa mga kaso sa loob ng tatlong linggo.