Manila, Philippines – Dismayado ang ilang senador sa pagbasura ng Panel of Prosecutor ng Department of Justice (DOJ) sa mga kaso may kinalaman sa droga ng mga itinuturong mastermind sa operasyon ng illegal drugs na sina Kerwin Espinosa at Peter Lim.
Para kay Senator JV Ejercito, posibleng magdulot ng kalituhan ang mensaheng nais na iparating ng biglaang pagkakaabswelto sa mga kaso laban sa mga ito.
Ayon kay Ejercito, malinaw naman sa mga isinagawang mga pagdinig sa senado noon na mismong si Espinosa ang umamin na sangkot ito sa pagpapakalat ng droga sa simula pa noong 2005.
Pero, sa kabila nito ay nadismiss pa rin ang kaso ni Espinosa sa DOJ.
Itinuturing naman ni Senator Grace Poe na malaking insulto sa PNP kapag pinagtibayin ni DOJ Secretary Vitaliano Aguirre ang dahilan ni Acting Prosecutor General Jorge Catalan na self-serving at hindi pagtutugma ng mga pahayag ng mga testigo sa kaso.
Giit ng dalawang senador, dapat ipakita ng gobyerno na seryoso ito sa paghabol sa mga sangkot sa operasyon ng iligal na droga at hindi lamang mga maliliit na drug peddlers ang kaya nitong hulihin.