Essential medicines laban sa COVID-19, iginiit ng isang kongresista na maaga pa lamang ay nakahanda na

Iginiit ni Iloilo Rep. Janette Garin na dapat ay nakahanda na ang mga essential medicines lalo na tuwing may pandemya o public health emergency.

Sinabi ng dating health secretary na marami siyang natatanggap na tawag at mensahe na naghahanap ng mga gamot na Remdesivir at Tocilizumab.

Ang mga essential medicines na nabanggit ay antiviral medication at mabisang panggamot laban sa COVID-19.


Iginiit ni Garin na hirap nang makahanap ng ganitong mga gamot kaya hindi na aniya nakapagtataka na mismong ang mga tao na ang gumagawa ng paraan para makahanap ng lunas sa kanilang mga sarili.

Aniya, kung maaga pa lang ay naka-preposition na ang mga essential medicines na makatutulong sa paglaban sa COVID-19 ay hindi sana problema ngayon ang gamot sa bansa.

Kasabay nito ay binalaan din ng kongresista ang publiko sa paggamit ng Ivermectin bilang gamot sa COVID-19.

Paliwanag ng mambabatas na isa ring doktor, ang Ivermectin na isang anti-parasitic drug ay hindi dumaan sa mabusising pag-aaral at clinical trial para gamitin sa tao.

Mababatid na ilang mga kongresista tulad ni 1PACMAN Party-list Rep. Eric Pineda at Anakalusugan Party-list Rep. Mike Defensor ang nagsusulong sa paggamit ng gamot at umaming uminom na rin ng Ivermectin matapos magpositibo noon sa COVID-19.

Facebook Comments