Mahigit 400 na mga bagong labor inspector ang ide-deploy ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa mga pangunahing lugar para mag-inspeksyon sa mga establishments na may mga empleyadong dayuhan.
Ayon sa DOLE, nais nilang ma-verify kung lehitimo ang kumpanya at kung nakakasunod sa mga panuntunan ng kagawaran.
Titingnan din ng mga labor inspector ang listahan ng mga aplikante para sa Alien Employment Permit, kung meron man, at kailangang isertipika ng kinatawan ng kompanya na nagtatrabaho nga sa kanila ang dayuhang manggagawa.
Sa bisa ng Administrative Order No. 472 na inisyu ni Labor Secretary Silvestre Bello III, ipapadala ang 404 Labor and Employment Officers, o mga labor inspectors sa 16 rehiyon para magsagawa ng verification inspection hanggang sa ikalawang linggo ng Disyembre ng taong kasalukuyan.
Kasama ng mga L-E-O’s ang isang regular labor inspector na kanilang magiging team leader para pangasiwaan ang kanilang verification inspection.
Magsusumite naman ang labor inspector ng kanilang report sa DOLE regional director isang araw matapos ang verification inspection.