Nanindigan ang Philippine Coast Guard (PCG) na epektibo pa rin ang ginagawang transparency ng gobyerno ng Pilipinas, pagdating sa sitwasyon sa West Philippine Sea (WPS).
Ito ang sinabi ni Philippine Coast Guard Spokesperson Col. Jay Tarriela sa kabila ng patuloy na pangha-harass ng China sa mga barko ng Pilipinas partikular ang mga resupply mission sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.
Sa Kapihan sa Manila Hotel, sinabi ni Tarriela na bagama’t hindit agad mababago ang pag-uugali ng China ay epektibo pa rin ang pagpapakita ng Pilipinas ng ginagawang pambu-bully sa sarili nating teritoryo dahil nakikita ito ng buong mundo.
Mahirap aniya kung kikilos ang Pilipinas ng mas agresibo lalo na’t alam naman ng lahat ang kakayanan ng China sakaling lumala pa ang tensiyon sa karagatan.
Iginiit din ni Tarriela na hindi Amerika ang dahilan ng nangyayari ngayong tensiyon sa WPS, taliwas sa sinasabi ng China lalo na’t tila naging malamig nga ang Pilipinas sa Estados Unidos noong nakaraang administrasyon pero hindi naman natigil ang pangha-harass lalo na sa mga Pilipinong mangingisda.