Estados Unidos may tulong sa PGC para mas mapadali ang pagtukoy sa mga variants ng Coronavirus

Nakatanggap ang Philippine Genome Center (PGC) ng RT-PCR extraction kits na magagamit sa 3-libong test mula sa Estados Unidos sa pamamagitan ng US Agency for International Development.

Sa isang virtual ceremony, itinurn-over ni United States Agency for International Development (USAID) Philippines Office of Health Director Michelle Lang-Alli ang mga extraction kits kay Undersecretary Maria Rosario Vergeire at iba pang opisyales ng Department of Health (DOH).

Ayon kay Lang-Alli, ang mga RT-PCR extraction kits ay dagdag suporta sa pag-track ng mga variants ng Coronavirus na inaasahang magpapalakas sa surveillance capability ng PGC.


Sa ngayon aabot na sa P1.4-billion ang naitulong ng Estados Unidos sa Pilipinas sa pamamagitan ng USAID, Department of Defense, at Department of State bilang suporta sa paglaban ng Pilipinas sa pandemya.

Isa rin ang Estados Unidos sa may pinakamalaking kontribusyon sa COVAX Facility, na namimigay ng bakuna sa mga bansang nangangailangan.

Sa 13 milyong dose ng bakuna na natanggap ng Pilipinas mula sa COVAX Facility, 6.2 milyong dose ang mula sa Amerika.

Facebook Comments