Cauayan City, Isabela- Tumitimbang ng halos 7 kilo ng pinatuyong dahon ng marijuana ang nakumpiska ng mga otoridad sa pag-iingat ng isang estudyante na taga-Caloocan City matapos itong mahuli sa checkpoint sa Poblacion West, Lamut, Ifugao.
Sa nakuhang impormasyon ng 98.5 iFM Cauayan sa PNP Lamut, Ifugao, ang suspek ay nakilalang si Marvie Allen Ching De Guzman, 21-anyos, binata, estudyante at residente ng Galauran St. Corp 9th Avenue, Caloocan City.
Sa inilatag na check point ng pinagsanib na pwersa ng PDEA Ifugao, PDEA RO II, PDEA Mountain Province, Mountain Province PPO, Ifugao PDEU at Lamut Municipal Police Station ay nahuli sa isang checkpoint ang suspek na sakay ng isang pampasaherong bus at nasamsam sa kanyang pag-iingat ang umaabot sa pitong (7) kilo na marijuana bricks.
Inaalam pa ng otoridad kung magkano ang halaga ng nasabing pinatuyong dahon ng marijuana.
Napag-alaman na ngayon lang natiyempuhan ang suspek sa pagbibiyahe nito ng ipinagbabawal na gamot mula sa probinsya ng Ifugao na nakatakdang dalhin sana nito sa kalakhang Maynila para sa kanyang mga parokyano.
Ang suspek ay pansamantalang nasa kustodiya ng Lamut Police Station habang inihahanda ang kasong isasampa ngayon araw na may kinalaman sa R.A 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs act of 2002.