Cauayan City, Isabela- Tuluyang dinakip ng mga otoridad ang isang estudyante na sakay ng kaniyang bisikleta matapos maharang sa checkpoint pasado alas 11:00 ng umaga, July 23, 2021 sa Ileb, Nambaran, Tabuk City, Kalinga.
Nakilala ang suspek na si Allan Jay Yumul, 22 taong gulang at residente ng Purok 7, brgy. Rosario, Santiago City.
Ayon sa hepe ng Rizal Police Station na si Police Captain George Acob, nakatanggap ng impormasyon ang kanilang himpilan kaugnay sa isang siklista na hinihinalang may dalang marijuana na nakatakdang lumabas ng probinsya.
Agad na nakipag-ugnayan ang hepe ng PNP Rizal sa Kalinga Police Provincial Office at Tabuk City Police Station upang maglatag ng checkpoint na nagresulta naman sa pagkakahuli ng suspek.
Nakuha mula sa pag-iingat ng binata ang tatlong (3) bricks ng marijuana na tinatayang nagkakahalaga ng P360,000.00.
Ibinunyag naman ng suspek na pangalawang beses na itong bumisita sa Kalinga mula sa Santiago City upang manguha ng ipinagbabawal na gamot.
Nasa kustodiya na ng Tabuk City Police Station ang suspek na mahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act.