Estudyante, nakarating sa 7 bansa sa loob ng 24 oras gamit ang bike

Photo by Guinness World Records website

Nang mapagtanto na sa pag-aaral at trabaho na lang umiikot ang kanyang oras, at halos hindi na magawa ang mga bagay na nagpapasaya sa kanya, naisipan ng isang estudyante sa Hungary na hamunin ang kanyang sarili.

Nasungkit ni David Kovari ang Guinness World Record ng may pinakamaraming bansang nabisita sa loob ng 24 oras gamit lamang ang bisekleta.

Dahil pinaghalong pisikal na lakas at stratehiya ang kailangan, ilang linggo ang ginugol ng estudyante para paghandaan at pag-aralan ang pinakamainam na daan para basagin ang nakatala na record.


Naagaw ni Kovari, na nakatapos ng pitong bansa, ang titulong hawak ni Michael Moll ng Germany na nakapag bisekleta sa anim na bansa mula sa Italy papuntang Switzerland, Liechtenstein, Austria, Germany at France noong 2016.

“I used 3 different platforms for planning. The roads were split into three categories based on their quality: perfect, acceptable, no-go. The plan was to stay on perfect roads as much as possible, avoid main roads and heavy traffic, and keep elevation to a minimum,” paliwanag ni Kovari sa Guinness World Records.

Kasa-kasama niya sa byahe ang maliit na bag na naglalaman lamang ng tools, camera, GPS, energy drink, salad at sushi na inihanda ng kanyang nanay.

Tinahak ni Kovari ang Poland papuntang Czech Republic, Slovakia, Austria, Hungary, Slovenia at Croatia – na may sumatotal na higit 500 km (310 miles).

“If someone wishes to break this record and visit eight countries, they will need to minimise their time stopped, especially for finding witnesses,” ani Kovari.

Unang naitala ang record ng may pinakamaraming bansa na napuntahan sa pamamgitan ng bisekleta noong 2013 ni Glen Burmeister na nakatapos ng apat.

Facebook Comments