Estudyante, napagkamalang body spray ang pepper spray; 41 kaklase, naospital

Aksidenteng nagamit ng isang estudyante sa Florida, US ang pepper spray sa kanyang katawan, dahilan upang maospital ang mga kaklase niyang nakalanghap din nito.

Isinugod sa pagamutan ang 41 mag-aaral mula Highlands Middle School matapos ang insidenteng nangyari sa gitna ng P.E class noong Pebrero 28, ayon sa ABC Action News.

Agad pinalisan ang tinatayang 60 hanggang 80 grade 7 students na nasa gym nang magsimulang umubo ang ilang estudyante.


Ayon sa principal ng paaralan, isang estudyante ang nagdala ng pepper spray, na ipinagbabawal sa code of student conduct.

Kinuha ng nagkamaling estudyante ang pepper spray mula sa bag ng may-ari at ginamit ito sa kanyang katawan.

Papatawan ng kaukulang parusa ang nagmamay-ari ng ipinagbabawal na gamit, habang mahaharap naman sa juvenile civil citation ang batang gumamit nito, ayon sa pahayag ng Duval County Public Schools.

Facebook Comments