Sa nakuhang impormasyon ng iFM Cauayan mula sa himpilan ng pulisya, papasok na sana sa eskwelahan ang biktima matapos itong ihatid ng kaniyang tiyuhin, at nang patawid ito sa kabilang kalsada ay hindi nito napansin ang paparating na sasakyan na minamaneho ni Alex Agor, 50-taong gulang, negosyante, at residente ng Barangay Calamagui 2nd, City of Ilagan, Isabela.
Ayon naman umano kay Agor, nag overtake umano ito matapos na pumagilid ang kanyang sinusundang jeepney at sa hindi inaasahan ay patawid rin ang nasabing biktima.
Nabangga nito ang biktima na agad isinugod sa pinaka malapit na ospital subalit binawian din ng buhay dahil sa mga natamong pinsala sa katawan.
Samantala, pansamantalang pinalaya ang suspek dahil hindi umano nakarating sa tamang oras ang complainant o pamilya ng biktima para sa pagsasampa ng kaso.
Gayunman, inihahanda pa rin ng pulisya ang kasong Reckless Imprudence Resulting (RIR) to Homicide na isasampa laban sa suspek at kung sakaling lumabas na ang warrant of arrest nito ay saka pa lamang ito aarestuhin.
Samantala, sa pinakahuling pagtaya ng pulisya, nakakapagtala ng nasa tatlong (3) kaso ng vehicular accident sa kada araw ang City Of Ilagan at karaniwan sa mga ito ay motorsiklo at nasa impluwensya ng nakalalasing na inumin o alak.