BATARAZA, Palawan – Nasawi ang 17-anyos na estudyante samantalang sugatan naman ang isa pa matapos bumangga sa isang baka ang minamaneho nilang motorsiklo noong Linggo ng umaga, Enero 26.
Base sa report ng mga pulis, binabaybay noon ng biktima kasama ang nakaangkas na estudyante ang kahabaan ng Brgy. Ocayan papunta sana sa Brgy. Rio Tuba nang biglang tumawid ang baka.
Dito na bumangga sa hayop ang motor kaya agad itong nawalan ng kontrol.
Namatay ang baka samantalang nagtamo ng sugat ang dalawang sakay ng motor.
Isinugod pa sa ospital ang mga biktima ngunit hindi na umabot ng buhay ang driver nito.
Samantala, ang estudyanteng angkas ay patuloy namang nagpapagaling dahil sa mga tinamong sugat.
Kaugnay nito, nagkasundo naman ang pamilya ng mga biktima at may-ari ng baka na aregluhin na lang ang kaso.
Ayon sa pulisya, nakasaad sa Artikulo 2183 ng New Civil Code of the Philippines na may pananagutan ang may-ari ng hayop dahil maituturing itong kapabayaan lalo’t sangkot ang kanilang alaga liban na lang kung may pagkukulang ang taong nasaktan sa kinasangkutang insidente.
Paalala naman ni Police Capt. Ric Ramos ng Palawan Provincial Police Office, parating itali ang mga alagang hayop at huwag hayaang makalabas mula sa kanilang bakuran o makawala sa pagkakatali.
“Ito po ay talagang pupunta, most especially, sa mga kalsada po ano. Sapagkat maghahanap po ito ng makakainan o talagang maglalakad-lakad po ito,” aniya.