Estudyante sa Cabatuan Isabela, Pinagsasaksak ng Lasing-Patay!

Cabatuan, Isabela – Patay ang isang estudyante matapos saksakin ng lasing na suspek kaninang madaling araw sa National Highway ng Brgy. Calaocan, Cabatuan, Isabela.

Sa naging pahayag ni Police Chief Inspector Vicente Guzman, hepe ng Cabatuan Police Station, sinabi niya na tatlong beses na sinaksak sa dibdib ang biktimang si Mike Raven Sumaoang Abad, labin walong taong gulang, binata at residente ng nasabing lugar habang ang suspek ay si Sherwin Peralta Rivera, tatlumpu’t anim na taong gulang, walang trabaho at residente ng Brgy. Sampaloc, Cabatuan, Isabela.

Aniya, sa inisyal na imbestigasyon na isinagawa ng kanyang pamunuan ay napag-alaman sa dalawang  kasama ng biktima na habang papauwi umano ang mga ito  na sakay ng kanilang kulong-kulong ay sinundan sila ng suspek na nakasakay rin ng motorsiklo.


Sa pinangyarihan ng krimen ay pinapahinto umano ng suspek ang sasakyan ng biktima ngunit hindi ito pinansin ni Abad na siyang drayber ng kulong-kulong.

Hanggang sa iniharang umano ng suspek ang kanyang motor sa daan at biglang lumapit sa biktima at pinagsasaksak ang dibdib nito na sanhi ng kaniyang agarang kamatayan  sa kabila na itinakbo pa ng Rescue team pagkatapos ng pangyayari.

Samantala nakumpiskahan naman ng dalawang pakete ng shabu ang suspek matapos na maaresto ng mga otoridad kung saan ay nakakulong na ito sa PNP Cabatuan at inihahanda na ang  kasong Murder at paglabag sa RA 9165 o Dangerous Drugs Act.

Facebook Comments