KOBE, Japan – Hinuli ang isang 23-anyos na Japanese college student matapos patayin ang kanyang pamilya sa pamamagitan ng pana.
Sa report na inilabas ng Japanese newspaper na Mainichi, pinana ni Hideaki Nozu ang kanyang 47-anyos na ina, 75-anyos na lola, at 22-anyos na kapatid na lalaki noong umaga ng Huwebes.
Nakaresponde ang mga pulis sa crime scene nang may isang kapitbahay na nakapagsumbong nang humingi raw ng tulong ang tiyahin ng suspek na noo’y tinamaan din sa leeg.
Ang ibang biktima na nasawi ay naiulat na tinamaan lahat sa parteng ulo na pinaniniwalaang tumira ng malapitan.
Nang makausap naman ng mga pulis, inamin ni Nozu ang ginawang krimen.
Naiulat ng Mainichi na legal umano ang pagkakaroon ng pana sa Japan na kadalasa’y nabibili online sa halagang pumapalo sa 185 dolyar o P9,213.
Samantala, hindi naman makapaniwala ang mga kapitbahay ng kaawa-awang pamilya at wala umano sa kanila ang nakakakilala gaano sa suspek.