Cauayan City, Isabela- Nakabalik na sa kani-kanilang mga pamilya sa Probinsya ng Batanes ang nasa 62 na Locally Stranded matapos ang mahigit dalawang buwan na pananatili sa Lalawigan ng Cagayan.
Ito ay kinabibilangan ng 54 na estudyante, 5 OFW at tatlong iba pa kasama ang 16 na miyembro ng kapulisan at 4 na bumbero.
Ayon sa pahayag ni Regional Director PBGen. Angelito Casimiro ng Police Regional Office No. 2, siniguro nito na dumaan sa tamang proseso ang pagpapauwi sa mga stranded na ivatans kasabay ng pagtitiyak na nasuri ang mga ito ng doktor at negatibo sa COVID-19.
Inihayag pa ni Casimiro na ang ‘Libreng Sakay’ ay ginawa sa pakikipagtulungan ng Philippine Coast Guard para maiuwing ligtas ang mga nasabing stranded na indibidwal.
*“Kung hindi kayo tatanggapin dahil hindi kayo naquarantine pagkadaong ninyo sa Batanes, bumalik kayo dito sa PRO2 at iquaquarantine ko kayo sa mga Quarantine Facilities ng PRO2 at sasagutin ko lahat ng pagkain niyo. Huwag ninyong isipin na walang tutulong sa inyo habang andito kayo, andito kame na kapulisan upang tulungan kayo hanggang makauwi kayo ng Batanes,” pahayag niya.*
Namigay din ng pangunahing pangangailangan ang pamunuan ng PRO-2 gaya ng bigas at gulay na siyang magagamit ng mga nasabing bilang ng locally stranded.
Tiniyak naman ni Casimiro na walang maiiwan dahil handa ang pulisya sa pagtulong sa mga nangangailangan.