ESTUDYANTENG LANGO SA ALAK, NASAWI MATAPOS SUMALPOK SA TRAYSIKEL

CAUAYAN CITY- Nasawi ang isang estudyante matapos sumalpok ang sinasakyang motorsiklo sa sinusundang tricycle kaninang madaling araw, ika-16 ng Enero sa Brgy. Dabburab, Cauayan City, Isabela.

Kinilala ang nasawing biktima na si Prince Valencia, 22-anyos, at residente ng Purok 4 Brgy. Labinab habang ang drayber ng nabangga nitong tricycle ay si Gregie Dela Cruz, 43-anyos, at residente ng Brgy. Rizal sa nasabing lungsod.

Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, parehong binabaybay ng dalawang behikulo ang parehong direksiyon kung saan ayon sa backrider ng biktima, sinundo sya nito sa kanyang tahanan at nasa ilalim na ito ng impluwensya ng nakalalasing na inumin.


Matapos bumili ng alak ang mga ito ay napagdesisyunan na magtungo ang mga ito sa tahanan ng kasintahan ng biktima.

Pagdating sa pinangyarihan ng insidente, dahil sa bilis ng patakbo ng biktima hindi nito napansin ang sinusundang tricycle dahilan upang sumalpok siya rito.

Bilang resulta, nagtamo ng sugat sa iba’t-ibang bahagi ng katawan ang dalawang drayber at backrider kung saan matinding sugat ang tinamo ng biktima na agarang dinala sa pagamutan ngunit idineklarang dead on arrival.

Facebook Comments