Nasawi ang isang 20-anyos na estudyante makaraang maaksidente sa motorsiklong sinasakyan sa Barangay Astorga, Dumarao, Capiz noong Biyernes, Mayo 15.
Kinilala ang biktima na si Cristelyn May Villance, residente ng Barangay Mahunod-hunod sa bayan ng Cuartero, at kumukuha ng kursong Crimonology sa Capiz State University-Dumarao campus.
Papauwi na sana ang dalagita, kasama ang amang si Cesar, matapos gumawa at magpasa ng school requirements sa isang computer shop nang maganap ang insidente.
Batay sa imbestigasyon, nawalan ng kontrol sa manibela ang nagmamanehong tatay nang iwasan ang isang lalaking naghihila ng motor, dahilan upang tumilapon sila sa kalsada.
Lumabas din sa pagsisiyasat na kinailangan isumite ni Cristelyn ang online requirements sa kaniyang guro kaya pumunta ito sa ibang bayan para humanap ng malakas na signal ng internet.
Naisugod pa ang mag-amang Villance sa Senator Gerardo M. Roxas Memorial District Hospital pero pumanaw ang mag-aaral kinalaunan.
Hindi naman maiwasan ni Cesar na sisishin ang guro ng anak na nagbigay daw ng asignatura kahit may kinakaharap na COVID-19 pandemic.
Samantala, mariing itinanggi ng pamunuan ang akusasyon ng pamilya.
Depensa ng titser, naisumite na raw ni Cristelyn ang lahat ng requirements sa pamamagitan ng messenger noong Abril 27 at 29.
Nagpaabot din sila ng pakikiramay at nangakong tutulungan ang naiwang kaanak ng kanilang estudyante.