Ethel Booba, pinayuhan si Mocha Uson sa usapang kubeta sa SEA Games

May pasaring, at payo na rin, ang komedyanteng si Ethel Booba kay Mocha Uson tungkol sa usapin ng napaulat na dalawang inidoro sa isang cubicle sa Rizal Memorial Stadium na isa sa mga pagdadausan ng ika-30 Southeast Asian (SEA) Games.

Sa isang tweet kasi, pinuna ni Uson ang pagkuwestiyon ni Senate Minority Leader Franklin Drilon sa P50-milyong SEA Games cauldron gayong “dedma” naman daw ito sa P140-milyong “three-in-one” toilet sa isang istasyon ng Philippine National Railways (PNR) na proyekto ng nakaraang administrasyon.

“Kinu-question ang Cauldron project ng SEA GAMES pero ung Toilet Bowl project sa PNR dedma lang? Utak talangka talga,” saad ni Uson sa Twitter noong Nob. 18.


Ibinahagi ni Ethel ang screenshot ng naturang tweet kasama ang balita tungkol sa pambabaeng banyo sa Rizal Memorial Stadium na may dalawang toilet bowl sa iisang cubicle.

Sabi tuloy ni Ethel, “Cyst @MochaUson delete mo baka mapahiya tayo sa mga utak talangka. Charot!”

Nag-viral ang tweet na ito ng komedyante na mayroong higit 2,000 retweet at 16,000 likes.

Isa lamang ang nasabing banyo sa mga napaulat na aberya at reklamo mula sa mga atletang kalahok ng SEA Games.

Facebook Comments